May 17, 2025

Jeepney driver pinagbabaril sa Caloocan, dedo

TODAS ang 55-anyos na jeepney driver matapos pagbabarilin ng hindi kilalang salarin sa loob ng kanyang ipinapasadang sasakyan sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Fernando Razon, tubong Pangasinan, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na mabiiis na tumakas patungo sa Pili Alley, Brgy. 152, matapos ang insidente.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nangyari ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa Reparo St. Brgy. 152 habang nasa loob pa ng ipinapasadang sasakyan ang biktima.

Ilang mga saksi ang nagsabi sa pulisya na nakasuot umano ng itim na hood, asul na long sleeve shirt at jogging pants ang suspek na malapitang bumaril sa biktima.

Nagsagawa naman kaagad ng dragnet operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 5 subalit, bigo silang madakip ang suspek habang inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo ng pamamaslang.