March 18, 2025

2 HVI tulak, bagsak sa P400K shabu sa Caloocan

SA kulungan ang bagsak ng dalawang dalawang high-value individuals (HVIs) drug suspects matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Nakatanggap ang mga operatiba ng Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) hinggil sa umano’y iligal drug activities nina alyas “Pade”, 58, at alyas “Arnold”, 62, kapwa residente ng Brgy. 176 kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang positibo ang report, ikinasa ng DDEU ang buy bust operation kontra sa mga suspek, sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-11:34 ng gabi nang dambahin ng mga operatiba ng DDEU ang mga suspek matapos magsabwatan na bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Phase 8, Package 5, Barangay 176.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000 at buy bust money.

Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang DDEU. “We are fully committed to aggressively pursuing drug syndicates and dismantling their networks. Our fight against illegal drugs will continue until our communities are free from this menace,” diin niya.