February 16, 2025

Komedyanteng si Matutina pumanaw na, 78

Pumanaw na sa edad na 78 ang beteranong komedyante na si Evelyn Bontogon-Guererro o mas kilala bilang Matutina mula sa 1970s sitcom na John en Marsha nitong Araw ng mga Puso.

Ito ang kinumpirma ng kanyang apo na si Kirby Gementiza sa ABS-CBN News.

Ayon sa kanyang death certificate, binawian ng buhay si Matutina dahil sa acute respiratory failure. Nakipagbuno din siya sa stage 5 chronic kidney disease at hypertensive cardiovascular disease.

Sa isang panayam noong 2024 sa vlog ni Julius Babao, tinalakay ni Matutina ang kanyang mga hamon sa kalusugan, kabilang ang kanyang dekadang laban sa osteoporosis at patuloy na mga paggamot sa dialysis.

Kilalang-kilala ang tanyag na komedyante-aktres dahil sa kanyang pagganap bilang Matutina, ang tapat na katulong ni Doña Delilah (ginampanan ng yumaong Dely Atay-atayan). Siya ay minahal dahil sa kanyang natatanging boses na may kakaibang tunog.

Umerte ang John en Marsha mula 1973 hanggang 1990 na pinagbibidahan nina Dolphy at Nida Blanca.

Larawan mula sa Philstar.com