TODAS ang dalawang welder matapos umanong ma-trap sa loob ng nasusunog na ginagawang barko sa Navotas City, Lunes ng gabi.
Sa tinanggap na ulat ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Junel Boncodin, 23, at Roberto Dondan, 21, kapwa residente ng Market 3, Brgy., NBBN.
Lumabas sa imbestigasyon na nagwe-welding umano ang mga biktima sa loob ng storage room ng ginagawang barko na matatagpuan sa Tawiran Tres St., Brgy., Daang Hari nang sumiklab ang sunog dakong alas-9:22 ng gabi.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) at fire volunteers subalit, nahirapan umano ang mga ito sa kanilang operasyon dahil medyo confined ang sunog.
Ayon kay Navotas Fire Marshal F/Supt. Ronaldo Sanchez, nahirapan sila makapsok dahil nasa loob ang sunog at limitado lamang umano ang lagusan pati ang mga bintana.
May mga nakaimbak din umanong kutson at life vests sa storage room na posibleng natilamsikan ng baga mula sa pagwe-welding habang umabot sa unang alarma ang sunog na idineklarang fire out dakong alas-2:01 ng Martes ng madaling araw.
Natagpuan naman ng mga bombero sa loob ng storage room ng naturang barko ang mga biktima na sinubukan pang isalba subalit, patay na ang mga ito, samantalang ligtas namang nakalabas ang iba pang trabahador.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog na posible umanong galing sa nagwe-welding habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala at kung may nalabag sa fire safety code ang contractor.
More Stories
MAYOR BELMONTE, CITY TREASURER OFFICE BINIGYAN NG AWARD NG QC COUNCIL
Private Equity Fund investments boost Philippine pension fund Macquarie Asset Management pays out $272 Million or PHp 15.8B to GSIS
Gobyerno, politiko at botante ang magpapahirap sa Pilipino!