December 23, 2024

Lolo na wanted sa panggagahasa, arestado sa Valenzuela

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang manyakis na lolo na wanted sa kaso ng panggagahasa matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa Lungsod ng Valenzuela ang 82-anyos akusado na si alyas “Jose”.

Ayon kay Col. Cayaban, ang akusado ay nakatala bilang top 1 most wanted person sa San Andres Municipal Police Station (MPS) kaya inatasan niya ang Valenzuela Police Sub-Station (SS8) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa kanya.

Katuwang ang mga tauhan ng San Andres MPS at Catanduanes PPO, agad nagsagawa ang SS8 ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-5:00 ng hapon sa Block 5, Water Lily Street, Hobart Village, Barangay Ugong.

Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Lelu P. Contreras ng Regional Trial Court Branch 43, Virac, Catanduanes na may petsang August 28, 2020, para sa kasong Rape as defined and penalize under Art. 266-A (2) of the RPC. (JUVY LUCERO)