November 25, 2024

Construction worker, tiklo sa P7.8 milyon shabu sa Caloocan

KALABOSO ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P7.8 milyong halaga ng shabu nang madakma ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong suspek na si alyas “Marlon”, 39, construction worker.

Ayon kay Lt Col. Sales, ikinasa ng kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora ang buy bust operation laban sa suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.

Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money na may kasamang boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang knot tied plastic ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa loob mismo ng kanyang bahay sa Reparo Road, Brgy. 161 ng lungsod dakong alas-9:48 ng gabib.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 1,150 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,820,000, buy bust money na isang P500 bill, isang P1,000 bill at 31-pirasong P1,000 boodle money, weighing scale, at gold plastic na may unidenfied Thailand character.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang inaalam pa ng pulisya kung sino ang pinagkukunan niya ng ibinibentang droga.