NGAYONG 30 Nobyembre 2024 Sabado ay gugunitain ang ika-161 Taong Anibersaryo ng Kaarawan ni Andres de Castro Bonifacio (1863-97). Siya ay pinuno ng rebolusyonaryong Pilipino, tinaguriang ‘Ama ng Rebolusyon’, at kinikilalang pambansang bayani ng Pilipinas.
Pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) at mga Lokal na Pamahalaang Panlungsod ang pagdiriwang kabilang ang Lungsod Maynila sa kanyang mga bantayog sa Tutuban, Liwasang Bonifacio sa Lawton, at Dambanang Bonifacio sa Heroes Park, Ermita. Gayundin ang bantayog ni Bonifacio sa Lungsod Caloocan at Pinaglabanan Shrine sa Lungsod San Juan. Ang pagdiriwang ay isasagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak at talumpati ng mga punong lungsod at kinatawan ng komisyon.
Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Act No. 2946, s. 1921 at Batas Republika Blg. 9492 na nagtatakda ng Special Non-Working Holiday.
Narito ang Sampung (10) Mahahalagang Impormasyon at Kaalaman tungkol kay Andres Bonifacio:
01. Pinagmulan at Kabataan. Isinilang si Andres Bonifacio y de Castro noong 30 Nobyembre 1863 Lunes sa Tondo, Maynila. Siya ang panganay sa anim na supling nina Santiago Bonifacio, tubong Taguig, at Catalina de Castrio, tubong Zambales. Ang kanyang pangalan ay hinango kay Santo Andrew ang Apostol, ang santong patron ng Maynila na ang kapistahan ay sa araw ng kanyang pagkasilang. Bininyagan siya pagkaraan ng tatlong araw ni Padre Saturnino Buntan, ang prayle ng Simbahan ng Tondo (itinayo 1572).
02. Kabataan. Upang makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya, siya ay gumawa at nagtinda ng mga tungkod at pamaypay kasama ang mga nakababatang kapatid. Gumawa din siya ng mga paskin o poster para sa mga negosyo sa panahong kasama ang mga kapatid na sina Ciriaco, Procopio, at Troadio, ay nagtrabaho bilang mga empleyado sa pribado at pampublikong kumpanya na nagbigay sa kanila ng maayos na kundisyon ng pamumuhay. Naranasan din ni Andres ang magtrabaho bilang corridor sa British trading firm Fleming and Company, at bilang bodeguero sa German trading firm Fressell and Company. Siya rin ay naging aktor sa teatro bilang Bernardo Carpio, ang bayani ng katalugan.
03. Edukasyon. Hindi nakapagtapos ng pormal na edukasyon si Andres. Sa halip ay tinuruan ang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat. Nabasa niya ang French Revolution; ang talambuhay ng mga pangulo ng Estados Unidos; ang mga kontemporaryong penal at civil codes ng Pilipinas; at ang mga nobelang Les Miserables (1862) ni Victor Hugo (1802-85), Le Juif errant (1844) ni Eugene Sue (1804-57), at Noli Me Tangere (1887) at El Filibusterismo (1891) ni Dr. Jose Rizal (1861-96). Maliban sa Tagalog at Espanyol, may kakayahan siyang magsalita ng wikang Ingles dahil sa kanyang naging karanasan sa pagtratrabaho sa British firm.
04. Ang Kasal. Una siyang ikinasal kay Monica na kanyang kapitbahay sa Palomar, Tondo. Maagang yumao dahil sa sakit na ketong, at walang naitalang naging anak nila. Noong 1892, nakilala ni Andres si Gregoria “Oriang” de Jesus (1875-1943), sa pamamagitan ng kanyang kaibigang si Teodoro Plata (1866-97) na pinsan ng huli. Ang kanilang relasyon ay hindi sinang-ayunan ng mga magulang ni Gregoria sapagkat si Andres ay kasapi ng mason at ang kanyang kilusan ay taliwas sa turo ng Simbahang Katoliko. Gayunpaman sila ay nagpakasal sa Simbahan ng Tondo na ang pagtitipon ay naganap sa bahay ng kanyang kaibigan sa Santa Cruz, Maynila. Nagkaroon sila ng isang anak na pinangalanang Andres noong 1896, subalit namatay sa bulutong noong sanggol pa lamang.
05. Pagiging Manunulat. Si Andres ay isa ring makata at manunulat. Nagawa niyang maisalin sa Tagalog sa porma ng tula ang sanaysay ni Dr. Rizal na ‘El Amor Patrio’ o ‘Pagmamahal sa Bayan’. Siya rin ang unang nagsalin sa Tagalog ng tulang ‘Mi Ultimo Adios’ o ‘Ang Huling Paalam’ (1896) ni Rizal. Ang kanyang sanaysay na ‘Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog’ ay itinuturing na pinakadakila sa kanyang mga akda na pumupukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino.
06. Pagiging Pinuno. Si Bonifacio ay kasamang nagtatag at naging Kataastaasang Pangulo (Sa Espanyol ay Presidente Supremo, “Supreme President”, at tinatawag ng mga mananalaysay na ‘Supremo’) ng Kataastaasan, Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan, isang kilusan na naglalayon ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Espanyol, at nagpasimula ng rebolusyon.
07. Unang Pangulo. Muling isinaayos ni Bonifacio ang Katipunan patungong rebolusyonaryong pamahalaan, na siya bilang Pangulo (President) ng bayan ay tinawag na ‘Haring Bayang Katagalugan’ ng Republika ng Katagaluguan. Ang ilan sa mga mananalaysay ng kasaysayan ay may pagtatalo hinggil sa pagkilala sa kanya bilang Unang Pangulo ng Katagalugan sa halip ng Pilipinas, kung kaya’t hindi siya kabilang sa opisyal na listahan ng mga naging pangulo. Binitay si Bonifacio noong Mayo 1897 ni Major Lazaro Macapagal sa bisa ng kautusan ng Consejo de la Guerra (Council of War) na pinamunuan ni Hen. Mariano Noriel (1864-1915) dahil sa sedisyon at pagtataksil sa pamahalaan.
08. Pananalapi. Makikita si Bonifacio (kaliwang bahagi) sa 20 pisong salaping papel na English Series ng dating Central Bank of the Philippines (1949-93), kasama si Emilio Jacinto (1875-99), na ginamit sa sirkulasyon (1951-71). Ang imahe ni Bonifacio ay muling makikita sa 5 pisong salaping papel na Pilipino series (1969-74) at Ang Bagong Lipunan series (1973-96). Samantala unang lumabas ang imahe ng bayani sa pisong barya na pilak kaugnay ng sentenaryo ng kanyang kapanganakan noong 1963. Nasundan ang kanyang imahe sa baryang 2 piso na may hugis decagon (may sampung sulok) na Flora and Fauna Series, (1983-91), at bilog na barya sa parehong halaga at disenyo na Improved Flora and Fauna Series (1991-94). Nakasama ni Bonifacio si Apolinario Mabini (1864-1903) sa baryang 10 piso ng BSP Coin Series (2000-17) at bilang solong imahe sa commemorative 10-peso coin kaugnay sa ika-150 taong kaarawan (2013). Sa kasalukuyan si Bonifacio ay nasa halagang 5 pisong barya ng New Generation Currency Coin Series (simula 2017).
09. Kulturang Popular. Ang buhay ni Andres Bonifacio ay inilarawan at naging tampok sa mahabang listahan ng mga teleserye, pelikula, at music video. Una, ginampanan ni Eddie del Mar (1919-86) sa pelikulang ‘Andres Bonifacio’ (Ang Supremo, 1964); ikalawa, ni Julio Diaz (isinilang 1968) sa teleseryeng Bayani ng ABS-CBN (1995); ikatlo, ni Rody Vera sa musical na ‘1896’ (1995) ng Philippine Educational Theater Association (itinatag 1967); ikaapat, ni Gardo Versoza (isinilang 1969) sa pelikulang ‘Jose Rizal’ (1998) ng GMA Films; ikalima, ni Alfred Vargas (isinilang 1979) sa mga pelikulang ‘The Trial of Andres Bonifacio’ (2010) at ‘Supremo’ (2012); ikaanim, ni Mark Anthony Fernandez (isinilang 1979) para sa GMA Lupang Hinirang music video (2010); ikapito, ni Cesar Montano (isinilang 1962) sa pelikulang ‘El Presidente’ (2012); ikawalo, ni Jolo Revilla (isinilang 1988) sa teleseryeng ‘Indio’ (2013); ikasiyam, ni Sid Lucero (isinilang 1983) sa teleseryeng ‘Katipunan’ (2013) at ‘Ilustrado’ (2014) ng GMA; ikasampu, ni Robin Padilla (isinilang 1969) sa pelikulang ‘Bonifacio: Ang Unang Pangulo’ (2014); ikalabing-isa, ni Nico Antonio (isinilang 1983) sa pelikulang ‘Heneral Luna’ (2015); ikalabindalawa, ni Jhong Hilario (isinilang 1976) sa pelikulang ‘Unli Life’ (2018); ikalabintatlo, ni Eric David sa pelikulang ‘The Ret. Col. Rodrigo Bonifacio Story’ (2021); ikalabing-apat, ni Bullet Dumas sa musical na ‘2Bayani: Isang Rock Operang Alay kay Andres Bonifacio’ (2021) ng Tanghalang Ateneo (itinatag 1972); ikalabinlima, ni Gary Guarino sa pelikulang ‘GomBurZa’ (2023); at ikalabing-anim, ni Paw Castillo sa musical na ‘Pingkian: Isang Musika’ (2024) ng Tanghalang Ateneo.
10. Mga Alaala. Makikita sa Lungsod Caloocan ang pinakamataas at pinakamatandang bantayog ni Andres Bonifacio na ginawa ni Guillermo Tolentino (1890-1976) at naging Pambansang Alagad ng Sining sa Iskultura (1973). Ang bantayog ay may taas na 13.7 metro (45 talampakan) na nagkaroon ng inagurasyon noong 1933 na pinangunahan ni House Speaker Quintin Paredes (1884-1973), kasama ng mga babaeng kinatawan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at mga babaeng rebolusyonaryo na nakilahok sa rebolusyon noong 1896 na nagmula sa walong lalawigan: Maynila, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, at Laguna. Samantala may bantayog din si Bonifacio sa harapan ng Tutuban Center malapit sa dating Tutuban Railway Station na itinayo ng National Historical Institute noong 1971. Ang Dambanang Bonifacio o Kartilya ng Katipunan, isang pampublikong liwasan sa Ermita, Maynila ay itinayo noong 1998. Gayundin ang bantayog ng bayani sa Liwasang Bonifacio sa Lawton na itinayo noong 2002. Makikita naman sa Museo ng Katipunan (itinayo 1996) sa Pinaglabanan Shrine, San Juan, ang iba pang alaala ng bayani at ng Katipunan.
Maligayang Kaarawan Gat Andres Bonifacio!
More Stories
6 PATAY SA SUNOG SA MAYNILA
MANNY PACQUIAO INIHAHAL BILANG HALL OF FAMER CLASS OF 2025
SPEAKER ROMUALDEZ NA-STROKE, FAKE NEWS!