September 20, 2024

Sinagot paratang ni ex-Mayor Mabilog… DELA ROSA: PINAPUNTA KO SIYA PARA PATAYIN?

PINABULAANAN ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang naging pahayag ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa quad committee hearing sa Kamara na balak patayin ang dating alkalde kapag tumuloy sa pagpunta sa Crame at pipiliting ituro sina dating Senators Mar Roxas at Franklin Drilon bilang mga drug lords.

Depensa ni Dela Rosa, bago biglang maglaho si Mabilog ay tumawag pa ito sa kaniya at nagpahayag na nababahala ang dating alkalde sa kaniyang kaligtasan.

Sinabihan niya si Mabilog na mabait na mayor ang pagkakakilala niya rito dahil tumutulong ito sa anti drug efforts ng PNP sabay alok niya rito na pumunta ng Crame at tinitiyak niyang walang mangyayari sa alkalde.

Sinabi pa ni Dela Rosa na nagsabi rin siya kay Mabilog na kukumbinsihin niya ang presidente na isa siyang matinong tao at pumayag din itong pumunta ng Crame subalit tumawag ulit si Mabilog sa kaniya para sabihin na hindi na siya tutuloy dahil may nag-advise sa kaniya.

Dagdag pa ni Dela Rosa, “very incredible” naman kung papupuntahin niya si Mabilog sa Crame para lang patayin.