November 23, 2024

2 pulis sinampahan ng kaso sa pananakit, pagbabanta at panunutok ng baril sa traffic enforcer ng Valenzuela

KINASUHAN ng Valenzuela police ang dalawang tauhan ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District (MPD) dahil sa ginawa umanong pananakit at panunutok ng baril sa isang traffic enforcer ng lungsod.

Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Mayor WES Gatchalian, mga kasong physical injury at grave threat ang isinampa nila nitong Martes sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban sa dalawang pulis na sina alyas “Camacho” at “Cabudoy” na kapuwa may ranggong Staff Sergeant.

Ayon kay Col. Cayaban, ang ikatlong pulis na nakilalang si alyas “James” at may ranggong Corporal ay nagsilbi aniyang testigo laban sa dalawa niyang kabaro.

Lumabas sa pagsisiyasat ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Polo Sub-Station 5, tinatahak ni Ronaldo David ng Valenzuela Traffic Management Office (TMO) ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Mabolo dakong alas-4:30 ng madaling araw noong Linggo, Hulyo 14, sakay ng kanyang motorsiklo nang makasabayan niya ang dalawang suspek na pulis na magka-angkas sa motorsiklo, kasunod ang kanilang kasama.

Napansin ng biktima na kapuwa walang suot na helmet at naka-tsinelas ang dalawa na paglabag sa ordinansa subalit bago pa niya masita ang mga ito, bumaba ang dalawang pulis pagdating sa Hernandez St. Brgy. Mabolo at kinompronta ang biktima.

Naglabas umano ng baril si alyas Camacho at hinataw sa sikmura ng biktima na kanyang ikinabagsak habang bumunot din ng baril sa alyas Cabudoy sabay sabing “Gusto mo patayin na kita dito, eh,” bago sabay nang umalis ang mga ito.

Lumapit at tinulungan naman ni alyas Cpl. James ang biktima na makatayo bago siya pinaalis saka humingi siya ng tulong kay Barangay Chairman Dhang Lee ng Brgy. Mabolo na siyang nakipag-ugnayan sa pulisya.

Sa ginawang follow-up operation ng Detective Management Unit (DMU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Capt. Michael Oxina, natunton sa pamamagitan ng pagsusuri sa kuha ng mga CCTV ang pinagparadahan ng motorsiklo ni Cpl. James sa Brgy. Lingunan na siyang kumilala sa dalawa niyang kabaro.

Paalala naman ni Mayor WES sa mga motorista at residente ng iba pang karatig-lungsod na sumunod at irespeto ang mga ordinansang ipinapatupad sa loob ng lungsod.

Aniya, walang kakatigan ang umiiral na batas sa lungsod at hindi palalampasin ang mga ganitong uri ng paglabag, lalo na’t kung sangkot ang kanyang mga mamamayang nasasakupan.