November 23, 2024

ISNABERONG TAXI DRIVER, COLORUM TARGET NG LTO

Inatasan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga tauhan nito na tugisin o hulihin ang mga colorum o hindi rehistradong Public Utility Vehicles (PUV) at mga namimiling cab driver lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza III, sa Yuletide season madalas na tumataas ang mga insidente kung saan maraming mga taxi driver ang nangongontrata at hindi nagpapasakay ng pasahero kung hindi papayag sa gusto nilang presyuhan.

Saad pa ng opisyal an ang pangongontrata ay mahigpit na ipinagbabawal dahil paglabag ito sa regulasyon ng prangkisa ng mga taxi driver.

Maliban pa dito, naglipana din ang mga hindi awtorisadong pampublikong sasakyan na sinasamantala ang mataas na bilang ng mga pasahero sa panahon ng Pasko kaya ipinag-utos ng LTO chief ang mahigpit na pagbabantay dito.

Inilunsad din ng ahensiya ang operasyon na Oplan Pasaway para palakasin ang presensiya ng Law Enforcement Services sa mga mall at iba pang lugar na maraming mga tao sa Metro Manila upang matukoy ang mga lumalabag.

Sinabi rin ng LTO chief na makikipag-ugnayan ang ahensya sa Highway Patrol Group ng Philippine National Police at mall security managers para tulungan ang mga enforcer sa operasyon.

Bukod dito, umapela si Mendoza sa publiko na alertuhin ang mga LTO enforcer, pulis, o mall guards kung sila ay mabiktima ng mga lumalabag na taxi driver.