November 23, 2024

MUP PENSION REFORM APRUBADO SA 2ND READING NG KAMARA

Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 8969 na nagsusulong ng reporma ng Military and Uniformed Personnel o MUP pension system sa ating bansa.

Sa pamamagitan ng voice voting, inaprubahan ang House Bill 8969 o ang panukalang MUP Pension System Act.

Kung maalala, ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na gawing prayoridad ang MUP pension reform system.

Bago aprubahan sa 2ND reading, nagkaroon muna ng ilang araw na debate hanggang sa period of amendments, kung saan inilatag at ipinasok ang iba’t ibang mga amyenda.

Sa panukala, pormal nang tinanggal ng probisyon para sa “mandatory contribution” maliban sa new entrants.

Ang mahahalagang probisyon naman ng House Bill ay ang mandatory age of retirement na 57-taong-gulang para sa lahat ng MUPs; at garantisadong 3% na taas-sweldo taun-taon para sa MUPs sa loob ng 10-taon.

Habang magkakaroon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Trust Fund at Uniformed Personnel Services Trust Fund.

Sa kabilang dako, nagpasalamat si Albay Rep. Joey Salceda na siyang Chairman ng Ad Hoc Committee on the MUP Pension System sa mga MUP agencies sa kanilang suporta.

Binigyang-diin ni Salceda na kanilang inaccomodate ang hiling ni Defense Secretary Gilberto Teodoro.

” I trust that the AFP will be true to its word in contributing assets to the AFP Pension Trust Fund. I especially look forward to having the assets of the RSBS infused right away,” pahayag ni Salceda.

Kumpiyansa naman si Salceda dahil sa suporta ng Pangulong Marcos ang nasabing panukala ay aaprubahan ng chief executive bago matapos ang taon.