LUMIPAD si Pangulong Rodrigo sa Zamboanga upang makipagpulong sa mga opisyal ng militar at pulisya kaugnay sa nangyaring insidente ng pamamaril sa pagitan ng militar at pulisya sa Sulu noong nakaraang Lunes na ikinasawi ng apat na sundalo.
Kabilang sa mga napatay ay sina Major Marvin Indammog, commanding officer of the Intelligence Service Unit of the Philippine Army sa Jolo; Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula, ng Army’s 9th Intelligence Service Unit ng 11th Infantry Division. Hinatid ang mga labi nina Indammog, Managuelod, at Velasco sa Villamor Air Base kung saan sila sinalubong ng kanilang mga pamilya. Habang agad na inilibing ang mga labi ni Asula sa Sulu.
Ayon sa mga pulis, misencounter di-umano ang nangyari at hindi alam na kakampi pala ang kanilang pinagbabaril.
Pero para kay Lt. Gen. Gilbert Gapay, commanding general ng Philippine Army, hindi ito misencounter. Ito ay rubout, saad niya.
Sinabi ng heneral na may sinusundan ang mga sundalo na dalawa umanong suicide bomber na kaanib ng Abu Sayyaf nang harangin ito ng pulisya at sinabihang magtungo sa istasyon ng pulisya. Wala umanong intensiyon na tumakas ang mga sundalo, taliwas sa police report, pero pinagbabaril sila ng limang pulis habang ang apat ay nagsilbing lookout.
Umapela si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa tropa ng militar na hintayin ang resulta ng opisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nakapag-usap na rin sina Gen. Felimon Santos Jr, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Francisco Gamboa. Nasa kustodiya ng Pambansang Pulisya ang mga suspek at sinugurado na hihintayin ang imbestigasyon ng NBI.
Nagdesisyon si Pangulong Duterte na magtungo sa Zamboanga upang personal na makausap ang mga sundalo at pulis – una, ay para alamin kung ano ang totoong nangyari at pangalawa, ay palakasin ang moral ng militar at pulisya, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Nanawagan na rin si Sen. Risa Hontiveros, sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 460, ng imbestigasyon sa Senado sa nangyaring pamamaril.
Lahat ng hakbang na ito ay dapat makatulong upang linawin ang mga magkakataliwas na ulat at pakalmahin ang lahat ng mga nangangamba na maaring makaapekto sa relasyon at koordinasyon ng dalawang pambansang organisasyon ng bansa – ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police.
Marahil ay napapanahon na ang paglilinaw sa tungkulin at jurisdiction para sa maayos na koordinasyon sa kanilang mga operasyon na posibleng magkatagpo at magbanggaan sa ilang punto.
Maaari rin silang bumuo ng operational arrangements upang maiwasan ang katulad na insidente gaya ng Mamasapano massacre noong 2015 nang mamatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force ng PNP matapos makasagupa ng mga rebelde sa Maguindanao, sa kabila ng prisensiya ng batalyon ng AFP malapit sa lugar, dahil sa kakulangan ng koordinasyon.
Totoong nakalulungkot ang nangyaring Sulu shooting, pero umaasa tayo na mareresolba ng NBI ang imbestigasyon dito. Umaasa rin tayo na hahantong sa magandang samahan sa hinaharap sa pagitan ng dalawang puwersa ng AFP at PNP.
More Stories
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino