November 24, 2024

IMEE: NURSE IBABARTER SA BAKUNA, NAKAKAHIYA!

NAKAKAHIYA at walang kwenta ang alok ni DOLE Sec. Bebot Bello III na bakuna kapalit nurses sa Germany at UK, ayon kay Sen. Imee Marcos.

Sinabi ni Marcos lalong pang  nakakahiya nang tablahin ng gobyerno ng United Kingdom ang alok ni Sec. Bello.

“Nakakahiya- ngayon na reject pa! Please dont barter our nurses for vaccines we should be buying for them and for the Filipino people- what a useless and demeaning offer, tigilan yan!”

Giit ni Marcos, hindi “baboy” ang mga nurse na ibenebentang buhay para lang magkaroon ng bakuna sa mga Pinoy.

Ikakatuwa aniya ni Marcos kung nag-o-offer ang UK at Germany nang maayos na trabaho at benepisyo para sa ating health workers.

“Siyempre kung aalokan ang ating mga nars ng maayos na trabaho, maganda yun, kailangan natin yun kaya malaking Thank You sana. Pero di natin sila binebentang buhay para sa bakuna noh!”

Pinuna pa ni Marcos ang plano ni Bello na tila ginawang kalakal at ibinabargain pa ang mga magagaling nating health workers.”Hay! ginawang commodities mga nurse natin..buti pa UK may pagpapahalaga sa kanila,” ayon pa kay Marcos, chairperson ng Senate committee on Economic Affairs.