September 22, 2024

Killers ng tricycle driver sa Caloocan tinutugis

Ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang isang  manhunt operation kontra sa apat na armadong mga lalaki na responsable sa pagpatay sa isang tricycle driver sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Dead on the spot sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan si Raymund Magculang, 36 ng Lot 8 Block 76 Paulino Compound, Brgy. 174, Camarin habang mabilis namang tumakas ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo sa magkahiwalay na direksyon matapos ang insidente.

Sa tinanggap na report ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, habang minamaneho ni Magculang ang kanyang tricycle sa Phase 5Y Package 5 Brgy. 176 Bagong Silang nang huminto sa kanyang harapan ang apat na lalaking sakay sa dalawang motorsiklo dakong 5 ng hapon.

Sa pahayag ng saksing si Jocelyn Lampasa, 40 ng Paulino St. Brgy. 174 Camarin kay Caloocan police homicide investigator P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., isa sa dalawang back rider na nakasuot ng itim na jacket at face mask ang bumunot ng baril saka pinagbabaril sa katawan ang biktima.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang apat na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente.