November 24, 2024

Dating binabaha tuwing may bagyo… NAVOTAS, UMAYUDA SA MARIKINA

Matapos masigurong ligtas na nakauwi sa kanilang mga bahay ang daan-daang pamilya ng Navotas City na inilikas mula sa coastals areas makaraan ang pananalasa ng bagyong Ulysses, nagpadala naman si Mayor Toby Tiangco ng rescue team sa Marikina City para tumulong sa pag-rescue.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang team na mula sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ay may karanasan na sa anti-disaster operations, kasama ang rescue boat at utility truck para tumulong sa pagrescue ng mga residenteng binaha sa Marikina.

“Dahil nasiguro na natin na ang aming mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin na unang nailikas bago ang pananalasa ng bagyo ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan nang ligtas, napagpasyahan kong oras na upang matulungan naman ang iba, sa labas ng lungsod, pahayag ni Tiangco.

Si Mayor Tiangco at kanyang kapatid na si Rep. John Rey Tiangco ay nagsikap na magtayo ng maraming mga pumping station na umabot na ngayon ng 54 na nakaposisyon sa buong lungsod dahilan upang mapigilan ang pagtaas ng tubig baha.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang city engineering office sa pagsiguro na gumagana lahat ng 54 ‘bombastik’ pumping stations.

Dagdag niya, maliban sa 54 bombastik stations sa lungsod, meron din silang 3.6 kilometrong dike mula Bagumbayan North hanggang Tangos South na nagpoprotekta sa mga kabahayang nakaharap sa Manila Bay.

Samantala, sa katabing mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Valenzuela ay maraming mga pamilya din na apektado ng bagyo ang inilikas patungo sa mga itinalagang evacuation centers. “Here in Valenzuela, we are sandwiched by two rivers – Meycauayan River and Tullahan River – and we evacuated 400 families living near these two rivers and our timely action has prevented possible casualties,” ani Mayor Gatchalian.