December 25, 2024

83TH FOUNDING ANNIV NG QCPD IPINAGDIWANG NGAYONG ARAW

IPINAGDIWANG ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang ika-83 Founding Anniversary sa QCPD Grandstand, Camp Karingal, Brgy, Sikatuna Village sa naturang lungsod ngayong araw.

Para sa selebrasyon ngayong taon, na may temang “QCPD Tagapaglunsad ng Serbisyong may Malasakit, Patnubay ng Kaayusan at Kapayapaan, Kaagapay tungo sa Kaunlaran, Katuwang and Simbahan at Pamayanan ng Lungsod Quezon, ginawaran ng QCPD ng Plaque of Recognition ang iba’t ibang police station na kanilang nasasakupan dahil sa walang kapagurang pagseserbisyo sa pagresponde sa mga sumbong at krimeng nagaganap sa kani-kanilang mga area.

Kinilala rin nito ang iba’t ibang government at non-government organization para sa kanilang walang tigil na suporta sa mga istasyon ng pulisya sa QCPD.

Nagbigay naman ng kanyang talumpati si dating QCPD Director na ngayon ay QC Department of Public Order and Safety (DPOS) Head Chief Supt. Elmo San Diego bilang kinatawan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“Mahigit walong dekada ng katuwang ng QCPD ang QC sa pangangalaga sa lugar at mga mamamayan dito. Ngayong umaga, kinikilala natin ang ating mga kapulisan na nagpakita ng exemplary service which were awarded this morning. Isang very snappy salute na galing sa mayor natin,” saad ni San Diego.

Idinagdag pa nito na labis na humahanga ang QC mayor sa mga proyektong ipinatutupad ng QCPD.

Pinuri rin ni San Diego si QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III para sa patuloy na pagpapatupad ng agarang response sa mga operasyon ng pulisya.

Dumalo rin sa naturang event ang anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si William Marcos upang ibigay ang kanyang congratulatory message sa QCPD officers.

“Today, I’m deeply honored to be given the opportunity to be part of your 83rd QCPD Founding Anniversary. We are all aware that even if we are still in pandemic, our uniformed police officers are still expected to deliver their efficient and prompt public service especially in their areas of responsibility,” wika ng anak ng Pangulong Marcos.

Nitong Nobyembre 20 ay nagsagawa ang QCPD ng “Police Community Run for a Cause” event bilang bahagi ng kanilang founding anniversary celebration. Sinundan naman ito ng canvas making contest na nilahukan ng mga kapulisan at sibilyan.

Itinatag ni dating QC mayor Tomas Morato ang QCPD noong Nobyembre 25, 1939, upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa siyudad.