Kuha ang larawan mula sa Shutterstock.com
Isang 13-anyos na lalaki ang nahaharap ngayon sa reklamong rape with homicide matapos umanong gahasain at patayin ang kanyang 8-anyos na kapitbahay sa Barangay Fairview, Quezon City.
Kinumpirma ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na isinumite na nila ang kaso sa tanggapan ng City Prosecutor para sa pormal na pagsusuri.
“Ang kaso ng rape with homicide ay naipasa na sa prosecutor’s office,” ayon kay P/Lt. Col. Edison Ouano, hepe ng CIDU.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng Molave Youth Home ang menor de edad habang hinihintay ang desisyon ng piskalya.
Ayon kay Fairview Police Station Commander P/Lt. Col. Geronimo Dimayuga Jr., inamin umano ng batang suspek ang motibo sa krimen.
“Nakuwento niya na gusto niyang gayahin ang napanood niya. Ngunit nang tumanggi ang biktima, doon na niya ito sinaktan at ginahasa,” pahayag ni Dimayuga.
Napag-alaman rin ng mga awtoridad na nakisali pa umano sa paghahanap ng nawawalang bata ang suspek matapos gawin ang krimen.
“Dapat tratuhin siyang adult. Kasi nagsinungaling siya at kunwari ay wala siyang alam. Sumama pa siya sa paghahanap. Ang ganun ba ay asal ng inosenteng bata?” pahayag ni Cecilia Lopez, kamag-anak ng biktima.
Gayunman, nilinaw ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) na sa ilalim ng umiiral na batas, hindi maaaring panagutin sa kriminal na paraan ang mga batang wala pang 15 taong gulang.
“Kung pagbabasehan ang batas, madi-dismiss ang kaso sa criminal aspect dahil wala siyang criminal liability,” paliwanag ni Tricia Clare Oco, executive director ng JJWC.
Ngunit ayon kay Oco, hindi ibig sabihin nito na walang pananagutan ang menor de edad. Maaari pa rin siyang manatili sa Bahay Pag-asa para sa rehabilitasyon. Bukod dito, maaring papanagutin sa civil case ang pamilya ng batang suspek.
“Maaaring magbayad ng danyos ang mga magulang ng suspek sa pamilya ng biktima,” dagdag ni Oco.
Pinapaalalahanan rin ng JJWC ang mga magulang na maging mas mapagmatyag at gabayan ang kanilang mga anak, lalo na sa paggamit ng media at teknolohiya na maaaring makaapekto sa kanilang asal.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng kaso.
