May 4, 2024

7 PULIS UTAS, 20 SUGATAN SA ROAD MISHAP

PITONG pulis ang patay habang 20 ang sugatan makaraang aksidenteng suwagin ng isang wing van na naputukan ng gulong ang sinasakyan nilang dalawang van  sa Naawan, Misamis Oriental nitong Sabado.

Nakilala ang mga nasawing biktima na sina P/Staff Sgt Michael Ermac; P/Staff Sgt Reuyan Marjun; P/Staf Sgt Jevilou Cañeda; P/Staff Sgt. Eugene Lagcao; P/Staff Sgt Aaron Ticar; P/Staff Sgt, Arnill Manoop; at ret. P/Staff Sgt. Abapo Anito.

Samantala, nasa 20 iba pa ang sugatan na kinabibilangan ng 19 na pulis na dinala sa iba’t ibang pagamutan, gayundin ang driver ng wing van na si Benjamin Mudabpel.

Ayon sa ulat galing ang mga pulis  sa Cagayan de Oro City na patungo sana ng Iligan City para sa isang training nang mangyari ang malagim na trahedya dakong alas- 9:25 ng umaga sa national highway ng Purok 11, Barangay Poblacion, Naawan.

Ang mga pulis ay lulan ng dalawang Hi-Ace van at nakatakda sanang mag-overtake sa nasa unahang wing van nang aksidente umanong pumutok ang isa sa unahang gulong ng wing van dahilan upang magpagewang-gewang ito at sumalpok sa dalawang van na sinasakyan ng mga pulis.

Sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang dalawang van habang ang mga pulis na sakay ay naipit at tumilapon sa labas ng sasakyan.

Mabilis rumesponde ng pulisya at iba pang lokal na rescue teams at mabilis na isinugod ang mga biktima sa iba’t ibang pagamutan subalit pito sa mga pulis ang idineklarang dead-on-arrival.