Inatasan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang paghahain ng mga kasong administratibo, kriminal, at sibil laban sa dalawang dating superintendent at limang kawani ng Correctional Institution for Women (CIW) dahil sa umano’y anomalya sa pamamahala ng pondo ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Kasunod ng imbestigasyon ng Directorate for Intelligence and Investigation (DII), inaprubahan ni Catapang ang rekomendasyong patawan ng administrative proceedings sa BuCor Office of Internal Affairs Service sina C/SSupt. Daisy Sevilla-Castillote, CT/SSupt. Marjorie Ann Sanidad, CO2 Bianca Flor C. Ramos, CO1 Maryrose Y. Abucay, CO1 Madel C. Figuerres, CO1 Gloria N. Lakisa, at CO1 Charlot Jennifer L. Carreon.
Batay sa ulat ng DII noong Agosto 30, 2026, hindi maipaliwanag ni Ramos—na nagsilbing CIW Trust Fund Officer—ang kinaroroonan ng P5,153,375 mula sa PDL Trust Fund.
Lumabas naman sa audit report ng BuCor Internal Audit Service Unit noong Agosto 25 na umabot sa P6.4 milyon ang kulang na pondo, ngunit hindi pa nababawas dito ang mahigit P1.2 milyong nakatakda pang kolektahin.
Sinabi ni Catapang na magsasagawa ng ikalawang pagsusuri upang irekonsilya ang pagkakaiba ng mga halaga.
Kakaharapin ni Castillote ang kasong gross neglect of duty at grave misconduct dahil sa kawalan ng sapat na pangangasiwa at paglabag sa BuCor PDL Trust Fund Policy noong siya ang superintendent ng CIW.
Inihayag din sa ulat na inaprubahan nito ang paggamit ng pondo ng PDL para sa renobasyon ng Multipurpose Hall, Overseer’s Office, at Investigation and Verification Section Unit (IVSU).
Si Sanidad naman, na nagsilbing acting superintendent bago si Castillote, ay inakusahang nag-apruba ng P300,000 mula sa Trust Fund para sa LBC remittance ng mga PDL na hindi umano naisalin nang maayos.
Samantala, kakasuhan din ang pumalit na Trust Fund Officer na si Abucay dahil sa mga kapabayaan sa turnover ng tungkulin, habang sina Figuerres, Lakisa, at Carreon ay inakusahan ng mga lapses sa pagtatala at pagmamanman ng mga transaksyon ng pondo.
