December 29, 2024

656 MANILEÑO BINIGYAN NG PUHUNAN SA NEGOSYO

HALOS 700 pamilya mula sa Maynila ang binigyan ng pagkakataon na makapagsimula ng negosyo upang paularin ang kanilang negosyo, sakaling mayroon man.

Personal na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna katulong sina Vice Mayor Yul Servo at Manila department of social welfare chief Re Fugoso ang distribusyon ng financial support sa may 656 pamilya sa ilalim ng capital assistance program ng pamahalaang lungsod sa San Andres Complex, Malate, Manila na nagkahalaga ng kabuuang P3.2 million.

Nabatid kay Lacuna, na ang mga mapapalad na nagsitanggap ng P5,000 kada pamilya ay mula Districts 1 hanggang 6 at Baseco na nauna nang humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod ng Maynila para sila ay magkaroon ng puhunan para sa kanilang sisimulang negosyo o pandagdag puhunan sa umiiral na nilang negosyo.

“Alam n’yo po, simula nung ako ay konsehal, isa sa mga laging lumalapit ay mga humihingi ng paunang puhunan. Madami kaming natatanggap na sulat at kadalasan, hindi napapagbigyan lahat dahil hindi naman ganun kalaki ang pondo ng isang lingkod-bayan,” kwento ng lady mayor.

Idinagdag pa nito na: “Kaya ginawan naming ng paraan sa pamamagitan ng capital assistance program na nasa ilalim ng mga prog ng Manila department of social welfare. Ito po ay ginagawa isa hanggang dalawang beses sa isang taon.”

Ipinaliwanag ng alkalde na ang nasabing ayudang pinansyal, ay para gamitin bilang panimulang puhunan sa kung anumang negosyo o kabuhauan at hindi ito para gamitin bilang pambayad ng renta, pambili ng gamit o kung anupaman.

Ang programa, ayon pa sa alkalde ay ipinatutupad upang mapagaan ang buhay ng ilang mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng tulong pinansyal na magagamit nila bilang puhunan sa negosyo.

“Wala pong maliit kuing pagsusumikapan nating palaguin ang negosyong naiisip natin. May mga kilala ako nag-umpisa sa 500 o 1,000 pero kalaunan, napagtatapos ang mga anak, nagsimula sa maliit na puhunan. Dalangin ko na ang puhunang galing sa inyong pamahalaang-lungsod, na nagsisikap maging masinop sa pondo, ay magamit ninyo nang tama,” pahayag ni Lacuna sa mga tumanggap.

“Good luck po sa inyo at sana, sa susunod na taon, mga milyonaryo na kayo. Basta may tiwala, nasa inyo ‘yan, nasa pagsisikap ninyo. Ito na sana ang maging umpisa ng panibagong buhay para sa inyong lahat. Good luck at congratulations,” pagtatapos ng alkalde.

Sa bahagi naman ni Fugoso, sinabi nito na matatanggap ng mga beneficiaries ang buong halaga at hindi na kailangan pang makipagusap sa “commissioner”, at nagbabala din siya sa ilang indibidwal na nangungimisyon sa nasabing puhunan at dapat aniyang i-report ito sa kanyang tanggapan.

“Ang perang ‘yan ay buong-buo n’yong maiuuwi at walang ‘commissioner’ kayo na dapat kausapin. … nasa inyo ‘yan kung gusto ninyong may kahati, pero ang makikihati ay irereport ko sa opisina namin,” sabi ni Fugoso, na nalulungkot sa pagsasamantala ng ilang indibidwal na nagsasabi sila ang dahilan kung bakit nasama ang pangalan ng benipisyaryo sa listahan. Dahil dito, manghihingi ito ng parte o ‘commission.’

Ang CAP ay isang social service na nagbibigay ng cash grant sa mga lehitimong mahihirap na indibidwal o pamilya para sila ay makapagsimula ng negosyo. Ang grant ay maaari ding dagdag puhunan sa umiiral ng megosyo ng mga target beneficiary.  JERRY TAN