May 3, 2024

6 MONTHS OLD BABY PATAY SA PALO NG INA (Naistorbo sa pagtulog)

INARESTO ng pulisya ang isang 18-anyos na ina matapos niya umanong mapatay sa palo ang kanyang anim na buwang sanggol na anak sa Taguig City.


Kinilala ng Taguig police ang single mom na suspek na si Christine May Dabuit.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng gabi noong Abril 20 sa bahay ng suspek sa Sitio Imelda, Brgy. Upper Bicutan.Makailang beses pinalo ng yantok ang naturang sanggol matapos marindi sa iyak ng bata ang kanyang nanay na mahimbing na natutulog.

Nang mahirapan nang huminga ang sanggol ay agad niya itong dinala niya sa Brgy. Upper Bicutan Health Center subalit inabisuhan ang ina na isugod na ang kanyang anak sa ospital.

Dinala naman ang baby sa Taguig-Pateros District Hospital (TPDH) pero idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Leila Bondoc dakong alas-1:37 ng madaling araw.Dahil sa nangyaring insidente kaya inaresto ng pulisya si Dabuit.

Sa salaysay ng suspek sa pulisya, inamin nito na pinalo niya ng yantok para tumigil sa pag-iyak.

Lumabas sa awtopsiya, abdominal trauma ang ikinamatay ng sanggol at dahil sa pagpalo sa kanya ay may mga namuo na dugo sa tiyan, braso, singit at bahagyang itaas ng panga.Ayon sa complainant na si Monique Mata, kapatid ng supek, inampon niya ang biktima noong ito’y dalawang buwan pa lamang.

Pero isinauli niya ang baby kay Dadbuit noong Abril 1 ngayon taon nang mawalan siya ng trabaho dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Mata tinawagan siya ng kanyang kapatid para sabihin sa kanya na patay na ang kinupkop nitong baby.

Kasong parricide ang kinakaharap ngayon ni Dabuit.