May 12, 2024

4 arestado sa pot-session sa Valenzuela

HIMAS-REHAS ang apat katao, kabilang ang isang security guard matapos mahuli sa aktong nagpa-pot-session sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang naarestong mga suspek bilang sina Zaldy Benoza, 38, Leopoldo Tupal Jr, 33, welder, Imelda Fombuena, 45, pawang residente ng Brgy. Bignay at Wilfredo Reyes, 56, security guard ng Caloocan City.

Sa isinumiteng report ni PSSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng SDEU ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal drug actitivities sa Blk 26 Lot 26 Northville 1, Brgy. Bignay.

Kaagad rumesponde ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSS Gabby Migano sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu dakong alas-10:15 ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000 at mga drug paraphernalias.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.