Muling uminit ang usapin ng charter change sa Kamara matapos maghain ng panukala ang pitong kongresista mula sa tinaguriang “Young Guns” bloc na layong ibaba ang edad ng mga maaaring tumakbo bilang presidente, bise presidente, at senador.
Sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2 na inihain nitong Miyerkules, Setyembre 3, iminungkahi na ibaba ang age requirement mula 40 tungong 35 para sa pagka-presidente at bise presidente, habang mula 35 tungong 30 naman para sa pagkasenador.
Ayon sa dokumento, ang reporma umano ay “magpapalakas sa representasyon ng kabataan, magtataguyod ng intergenerational leadership, at magsasakatuparan ng inklusibidad at empowerment ng susunod na henerasyon ng mga lider.”
Ilan sa mga pirma sa resolusyon ay sina Deputy Speakers Jay Khonghun at Paolo Ortega; Deputy Majority Leaders Zia Alonto Adiong, Ernix Dionisio, Rodge Gutierrez, at Eduardo Rama; at Public Information Committee chair Lordan Suan.
Sa mga nag-akda, tanging si Gutierrez ang direktang makikinabang kung maipapasa ang panukala, dahil siya ay 32 taong gulang pa lamang at aabot ng 35 pagsapit ng 2028 national elections. Posible umano siyang tumakbo sa Senado o maging kandidato para sa mas mataas na posisyon.
Maaari ring makinabang si Majority Leader Sandro Marcos, na 30 taong gulang pa lamang at magiging 33 pagsapit ng 2028, gayong sa kasalukuyan ay diskwalipikado siyang kumandidato bilang senador. Kasama rin sa mga binabanggit na maaaring maapektuhan ay si Pasig City Mayor Vico Sotto, na 36 taong gulang at magiging 38 sa eleksiyon, sapat na para sa Senado ngunit maaari ring magbukas ng pinto sa mas mataas na posisyon kung matutuloy ang pagbabago.
Gayunman, tumanggi na si Sotto na tatakbo sa 2028, aniya, “I’m already telling you now… so I can freely do what I think is right.”
Depensa naman ni Ortega, isa sa mga may-akda, hindi personalidad kundi institusyon ang kanilang isinasaalang-alang: “Here in the House, there are so many young congressmen who are very hardworking and idealistic… we’re looking at the institution, to create a more vibrant atmosphere.”
Hindi ito ang unang beses na tinulak ang charter change sa 19th Congress. Noong Agosto, nanawagan si Deputy Speaker Ronaldo Puno ng constitutional convention para resolbahin ang umano’y “enduring ambiguities” sa Saligang Batas, partikular matapos ang mainit na debate hinggil sa interpretasyon ng salitang “forthwith” sa impeachment trial ng isang opisyal.
Sa mga nakaraang Kongreso, kadalasang nakatuon ang charter change sa pagpapalawig ng termino at sa economic amendments. Sa pagkakataong ito, ang pagbibigay-daan sa mas batang liderato ang ipinupunto.
