May 1, 2024

3 traffic enforcer pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Rizal, 2 patay

PATAY ang dalawang traffic enforcer at sugatan ang kanilang kasama makaraang pagbabarilin ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo  sa Cardona Rizal.

Kinilala ni P/Capt. Reynaldo Año, hepe ng Cardona PNP ang dalawang biktima na sina Gil Tancingco at Marcial Julian, at ang sugatan na si Kevin Jerome Cruz, mga nakatalaga sa Municipal Task Force ng Cardona. 

Hindi nahuli ang  mga suspek na tumakas sakay ng getaway na motorsiklo.

Ayon sa opisyal, alas-4:15 ng madaling araw,  Hulyo 14 nang mangyari ang  pamamaril ng mga suspek sa mga biktima sa National Road kanto ng San Pedro St., Brgy., Real sa nabanggit na bayan.

Nabatid na naka-duty ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspect na sakay ng itim na Honda motorcycle na walang plaka at sinita ng mga traffic enforcer.

Bumaba ang backrider,  bumunot ng baril saka pinagbabaril tatlong enforcer na ikinasawi ng dalawa.

Hawak na ng awtoridad ang mga kuha sa CCTV-camera para sa mabilis na ikaaaresto ng mga suspek.

Nabatid kay  Año, na simpleng traffic violation ang dahilan nang pagsita sa mga suspek na nauwi sa madugong pamamaril sa mga biktima.