May 4, 2024

3 LALAKI NAGNAKAW NG SITSIRYA, TIMBOG (Walang pang-ambag sa inuman)

KALABOSO ang tatlong lalaki nang mahuli sa aktong nagnakaw ng halagang P30 na sitsirya sa isang convenience store sa Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.

Pumasok umano sa convenience store ang grupo ng mga suspek at napansin ng tindera na isa sa mga ito ang kumuha ng sitsirya na hindi binayaran.

Agad na nagsumbong ang tindera sa barangay at sa tulong ng CCTV ay nasundan ang mga suspek at agad nadakip ng mga awtoridad.

Paliwanag ng isa sa mga suspek, nagawa niya ang pagnanakaw dahil sa impluwensiya ng alak at hiya sa barkada dahil walang pang-ambag sa inuman.

Hindi naman umano alam ng ibang suspek ang ginawa ng kanilang kasama.

Humingi ng tawad ang suspek at dahil P30 lamang ang ninakaw nito ay hindi na nagsampa pa ng kaso ang convenience store.

Hindi na kinasuhan ng shoplifting ang mga suspek sa halip inasunto ito ng barangay dahil sa hindi pagsusuot ng face mask na may katapat na multang P300 kada isa.