May 18, 2024

3 ARESTADO SA PANANAKSAK, PAMBUBUGBOG SA BINATA

man holding knife in his hand

NASAKOTE ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation ang tatlo sa apat na mga suspek na sumaksak at nambugbog sa isang binata sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek bilang sina Ryan Frederick Calidro, 20, Sean Andrei Paragas, 18 at Rodrigo Caples Jr, 22, pawang residente ng Brgy. Longsos habang pinaghahanap pa ng mga pulis si Leo Boy Arogante, 18.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Mardelio Osting at PSSg Ernie Baroy, dakong alas-11:25 ng gabi ng September 2, 2022 nang maganap ang insidente ng pananaksak sa biktimang si Ashly Del Mundo, 20 ng No. 157 Talakitok St. Brgy. 22, Caloocan City sa kahabaan ng Hiwas St., Brgy. Longos, Malabon City.

Matapos ang insidente, mabilis nagsitakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima sa Tondo Medical Center kung saan ito patuloy na ginagamot sanhi ng tinamong saksak sa katawan.

Sa isinagawang follow-up operation ng mgta tauhan ng Sub-Station 5 ng Malabon police sa pangunguna ni PLT Archie Arceo, naaresto ang tatlo sa mga suspek sa kahabaan ng Labahita St., Brgy. Longos.

Nang i-harap ang mga naarestong suspek sa biktima, positibong itinuro ni Del Mundo si Calidro na isa sa mga sumaksak sa kanya habang sina Paragas at Caples ay ang mga nanakit sa kanya.