Umabot sa 24 na accommodation facilities para sa mga papaalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) sa loob lamang ng wala pang tatlong buwan dahil sa pagiging kolorum at pagkakaroon ng hindi makataong kondisyon para sa mga manggagawa.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 519 OFW applicants na ang kanilang nailigtas simula noong Hunyo 6, 2026.
Pinakahuli rito ay ang isang pasilidad sa Barangay San Antonio, Parañaque City na hawak umano ng mga recruitment agency na ATC Human Resources, Inc. at Rock Solid Manpower & Consultancy, Inc.
Matagumpay namang nailigtas ang nasa 68 aplikante mula sa nasabing pasilidad sa Parañaque.
Agad silang dinala sa isang OWWA-accredited hotel sa Pasay City para sa pansamantalang matutuluyan, tulong medikal, at upang kunan ng salaysay para sa pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa mga pasaway na ahensya.
