September 9, 2024

2024 BALIKATAN EXERCISE SINIMULAN NA

PORMAL nang sinimulan ang itinuturing na pinakamalaking 2024 Balikatan Exercise o ang 19 araw na pagsasanay ng militar ng tropang Filipino at Amerikano.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), isinagawa ang Opening Cermony sa Kampo Aguinaldo ganap na alas-10 ngayong umaga na pinangunahan nila AFP Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. at U.S. Marine Corps Forces, Pacific Commander, Lieutenant General William Jurney.

Aabot sa 16,700 mga sundalo at iba pang uniformed personnel ang lalahok dito kung saan, nasa 11,000 rito ay mula sa Estados Unidos habang nasa 5,000 naman ang mula sa AFP.

Kasama rin ang mga contingent mula sa Philippine National Police at sa kauna-unahang pagkakataon, lalahok din ang Philippine Coast Guard sa isasagawang group sail.

Anim na barko ng Coast Guard ang lalahok kabilang na ang 44-meter multi-role response boats at dalawang malalaking patrol vessel nito.

Maliban diyan, sasali rin sa naturang pagsasanay ang nasa 150 sundalo mula sa Australian Defense Force gayundin ang French Navy sa kauna-unahan ding pagkakataon.

Una nang sinabi ni BALIKATAN Executive Agent, Colonel Michael Logico na magsisilbi ring observer ang nasa 14 na bansa kasama na ang Japan gayundin ang iba pang mga bansang kasapi ng ASEAN.