April 29, 2024

2 RIDER PATAY SA BANGGAAN NG 2 MOTORSIKLO

PATAY ang dalawang motorcycle rider makaraang aksidenteng magkasalpukan ang kanilang mga minamanehong motorsiklo sa daan bandang 4:30 ng madaling araw nitong araw ng Linggo, February 11, 2024 sa Barangay Sta. Anastacia, Santo Tomas City, Batangas

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jonel Gardona, 33, at kasalukuyang residente sa Sta. Rosa City, Laguna at si Esmeraldo Nadong, 58 taon gulang, at kasalukuyang naninirahan sa Road 5 GSIS Subdivision, Barangay Talipapa Novaliches, Quezon City.

Base sa report ng Santo Tomas City Police Station, bago nangyari ang aksidente ay kasalukuyang lulan ng motorsiklong Suzuki Raider na may plakang 181 EOE ang rider na si Gardona, galing ng Sta.Rosa Laguna patungo sa Sto. Tomas City habang sakay naman ang rider na si Nadong, ng kanyang Kawasaki Rauser galing ng Santo Tomas City papunta ng Calamba City, Laguna subalit pagsapit sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay aksidenteng nagbanggaan ang dalawang motorsiklo at parehong duguan na bumagsak sa semento ang dalawang rider.

Mabilis naman ang naging pagresponde ng Santo Tomas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at dinala sa Laurel Hospital ang dalawang biktima subalit parehong idineklarang Dead on arrival ng rumespondeng Doktor. (KOI HIPOLITO)