SHOOT sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng shabu nang tangkain takasan ang mga pulis na sumita sa kanila dahil sa paglabag sa city ordinance sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek na sina Alfred Alvares, 37, ng Kabulusan II, Brgy. 20 at Roderick Segismundo, 39 ng Talakitok St., Brgy. 22.
Ayon kay Col. Lacuesta, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 1 ng Caloocan police sa kahabaan ng Kabulusan II St., Brgy. 20, alas-12:15 ng hating gabi nang mapansin nila ang mga suspek na nagsisigarilyo sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Nang lapitan ng mga pulis para alamin ang kanilang pagkakilanlan ay tumakbo ang mga suspek na naging dahilan upang habulin sila nina PCpl Aldrin Martin at Pat Vincent Baldonaza hanggang sa makorner.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang tig-isang plastic transparent sachet na naglalaman ng nasa 3.3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value P22,440.00.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
DOH SA PUBLIKO: GAWING LIGTAS, MALUSOG ANG HOLIDAY SEASON
CONVERGE MAGKASUNOD ANG PANALO
Navotas, tumanggap ng Gawad Kalasag