May 17, 2024

Tulak arestado sa Malabon buy bust

ISANG hinihinalang tulak ng illegal na droga ang arestado matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek bilang si Gerardo Enrequez alyas Gerry, 51 ng Blk 49G Lot 8 Alupihan Dagat St., Brgy., Longos.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Alupihan Dagat Street Brgy Longos matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng shabu ang suspek.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska sa suspek ang apat heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 2.6 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P17,680.00, buy bust money at cellphone.

 Nahahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.