Patuloy na umanong nagsasagawa ng evaluation at assessment ang pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa mga aktibidad ng mga fourth class cadet o first year na kadete na mas kilala rin sa tawag na “plebo.”
Ito ang inihayag ni PNPA Director Police Major General Jose Chiquito Malayo, kasunod na rin ito ng pagkamatay ng dalawang plebo ngayong linggo lamang.
Dahil sa pangyayari, sinabi ni Malayo na ipinag-utos na raw ni PNP chief Police General Archie Gamboa na suspendehin muna ang lahat ng aktibidad ng mga kadeteng na magtatapos sa 2024.
Una rito, kinumpirma ng PNPA na namatay si Cadet Fourth Class Jiary Jasen Papa kasunod lamang ng pagkamatay ng isang kadete noong Miyerkules, Hulyo 8.
Sinabi ni Gamboa na namatay ang kadete dahil sa hypokalemia o mababang potassium intake o electrolyte imbalance.
Ayon sa PNP, base sa logbook ng kadete, nagpaalam itong gumamit ng comfort room dakong alas-2:00 ng madaling araw saka bumalik sa higaan at natulog.
Matapos ang isang oras, gumising na raw ito para maghanda sa early morning activity pero agad umanong nahimatay sa tabi ng kanyang bunk bed.
Agad siyang dinala sa PNP Academy (PNPA) Health Service para malapatan ng first aid at agad itong inilipat sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna.
Idineklara itong patay dakong alas-4:34 ng umaga.
Noong Miyerkules nang mamatay din ang Cadet Fourth Class na si Kenneth Ross Alvarado matapos mahimatay dahil sa pagdalo nito sa evening mess formation dakong alas-5:30 ng gabi.
Lumalabas na namatay ang kadete dahil sa heat stroke.
Isinugod pa raw ang kadete sa Sta. Rosa City sa Laguna dakong alas-6:05 ng gabi dahil sa hirap sa paghinga pero idineklara itong patay dakong alas-9:56.
Ang kasalukuyang PNP class ay mayroong 306 na mga bagong kadete na kinabibilangan ng 254 na lalaki at 52 babae.
Pormal silang tinaggap sa akademya sa pamamagitan ng reception rites noong Hulyo 3.
More Stories
2025 BUDGET TARGET MAIPASA NG KAMARA SA SEPT. 25
DOPPELGANGER NI ALICE GUO, HUMARAP SA NBI
BAGYONG FERDIE PUMASOK SA PAR