Dalawa sa siyam na umano’y pekeng konstruksyon firms na konektado sa tinaguriang flood control king at queen ay hindi na maaaring mag-operate matapos kanselahin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang licenses ng St. Timothy Construction Corp. at St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp.
Sa pahayag ng SEC, binawi ang operasyon ng mga kumpanya nina Pacifico (alias Curlee) at Cezarah Discaya (alias Sarah) matapos matuklasang nagsumite ang mga ito ng maling impormasyon sa kanilang beneficial ownership, bukod pa sa pag-amin ng kanilang pagkakasangkot sa multi-bilyong pisong flood control corruption scandal. Pinatawan ang mga ito ng P2-milyong multa.
Bukod sa pagkansela ng lisensya, ipinagbawal din ng SEC sa mga direktor ng dalawang kumpanya ang paghawak ng anumang posisyon, gaya ng director, trustee, o corporate officer, sa loob ng limang taon.
Sa pagdinig sa Senado noong Setyembre, iginiit ni Sarah Discaya na siya ang tunay na may-ari ng St. Timothy at St. Gerrard. Ngunit ayon sa records ng SEC, hindi lumitaw ang pangalan ni Discaya sa mga deklarasyon ng St. Timothy mula 2022 hanggang Setyembre 2025, gayundin sa St. Gerrard mula 2022 hanggang 2024.
Samantala, nag-anunsyo ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng panibagong freeze order laban sa ari-arian ng isang private construction firm na umano’y may pinakamaraming ghost flood control projects sa bansa.
Inaprubahan ito ng Court of Appeals noong Disyembre 4, 2025, at sumasaklaw sa assets ng naturang kumpanya, kabilang ang mga entity at indibidwal na konektado rito. Hindi pa pinapangalanan ng AMLC ang kumpanya, ngunit nagbanta itong maglalabas pa ng freeze orders laban sa P3.9-bilyong assets ng iba pang opisyal ng gobyerno na dawit sa katiwalian.
Sa ngayon, lagpas P4 bilyon na ang halaga ng mga na-freeze na assets na konektado sa flood control scam.Mas Mababa sa Totoong Nalugi — Dizon
Malayo ito sa tinatayang P1 trilyong pagkalugi ng gobyerno, ayon mismo kay Public Works Secretary Vince Dizon sa isang Senate Blue Ribbon hearing.
Kabilang sa mga contractor na iniimbestigahan dahil sa diumano’y ghost projects sa Bulacan ay Wawao Builders at SYMS Construction, ayon sa GMA News.
Ayon sa AMLC, saklaw ng bagong freeze order ang 280 bank accounts, 22 insurance policies, tatlong securities accounts, at walong air assets.
Nakita raw ng CA ang sapat na basehan para iugnay ang mga ari-arian sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at Malversation of Public Funds (Article 217) ng Revised Penal Code.
“The filing of this petition for a freeze order underscores the AMLC’s firm commitment to recover every peso of public funds that may have been misused,” ayon kay AMLC Executive Director Matthew David.
Sa kabuuan, sinabi ng AMLC na nakapag-secure na ito ng freeze orders sa 4,679 bank accounts, 283 insurance policies, 255 motor vehicles, 178 real properties, 16 e-wallet accounts at 3 securities accounts
Aabot na sa P13 bilyon ang kabuuang halaga ng na-freeze na assets na may kaugnayan sa kontrobersya.
Inaasahan pa raw ng AMLC na lalago pa ang halagang ito “habang lumalalim ang imbestigasyon” sa malakihang flood control corruption scandal. (Boyet Barba Jr)
