November 17, 2024

2 BIKTIMA NG TRAFFICIKING NASAGIP SA CLARK AIRPORT

Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) ang dalawang Pinay na sinasabing biktima ng trafficking na ni-recruit para magtrabaho bilang entertainers sa Singapore.

Sa ipinadalang report ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) kay BI Commissioner Norman Tansingco, tinangka ng dalawang biktima na sumakay sa Scoot Airlines flight sa CIA makaraang magpanggap na mga turista.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval,  itinanggi ng mga biktima na may edad na 34 at 25 na magkakilala silang dalawa, at sinabing bibiyahe sila para magbakasyon pero sa beripakasyon ay nalaman na may active work permits sila sa Singapore para magtrabaho bilang entertainer.

Sa huli ay inamin din ng dalawa na nag-apply sila ng trabaho sa online at tinuruan sila na magpanggap bilang mga turista para pagtakpan ang tunay na pakay nila sa kanilang pag-alis ng bansa.

“In many cases, these victims are made to believe that they will be working as entertainers, but many end up forced to work in sex trade.  This is a clear case of human trafficking, wherein the victims are instructed to pretend to be tourists,” ani Tansingco.

Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa pagsasampa ng demanda ng kanilang recruiters. ARSENIO TAN