
Kinakaharap ngayon ng mag-asawang sina Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at Congressman Marcelino “Marcy” Teodoro ang Show Cause Order mula sa Commission on Elections (COMELEC) – Committee on Kontra Bigay, kaugnay ng mga reklamong vote buying at pag-abuso sa pondo ng gobyerno sa gitna ng kampanya para sa halalan ngayong Mayo 2025.
Ayon sa reklamo na isinampa noong Mayo 5, 2025, ilang insidente ng pamimigay ng ayuda at pinansyal na tulong ang isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 1 sa iba’t ibang barangay sa Marikina, kabilang ang Marikina Heights, Sto. Niño, Jesus De la Peña at Concepcion Uno.
Batay sa ulat ng Komite, namigay umano ng P2,000 cash o claim stubs para sa medical assistance sa ilalim ng DSWD, at ang mga ito ay sinabayan ng panawagan sa mga residente na iboto ang mag-asawang Teodoro. Sa ilang okasyon, nakita umano si Mayor Maan mismo na nagsasalita at nangangampanya, habang suot ng mga tagasuporta ang kulay at t-shirt ng kanilang kampanya.
Isa pang insidente ang binanggit kung saan napuno ng mga tagasuporta ang isang barangay hall at inutusan ang mga residente na pumila para makuha ang ayuda matapos tanungin kung botante sila ng Marikina.
Tinukoy ng Komite na ang mga aksyong ito ay maaaring lumabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa vote buying at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa kampanya.
Sa kasalukuyan, hinihingi ng COMELEC ang paliwanag ng mag-asawa sa loob ng itinakdang panahon. Pinabulaan naman nina Mayor Maan at Rep. Marcy Teodoro ang alegasyon na namimili sila ng boto.
Ayon sa mag-asawang Teodoro, ang reklamong inihain laban sa kanila sa COMELEC ay may halong politika.
Ang nagsampa anila nito ay taga-suporta ng kanilang kalaban.
More Stories
ACT Teachers sa DepEd: Bilisan ang hiring ng 16,000 bagong guro bago magbukas ang klase sa Hunyo 16
Cardinal Tagle itinalaga ni Pope Leo XIV bilang bagong Titular Bishop ng Albano sa Italya
Kung Tunay ang Paghilom, Ibalik si Duterte – Atty. Sap Panelo