May 12, 2024

19-ANYOS TODAS SA PULIS (Nagkapikunan sa inuman)

PATAY ang isang 19-anyos nang barilin ng isang pulis matapos magkapikunan sa inuman nitong Linggo, Marso 28, sa Calamba, Laguna.

Ayon sa report, bumulagta ang biktima na si Leovil Brian Pelletero, helper ng isang clothing business ng Barangay Canlubang matapos barilin ni Police Corporal Javier Ian Medel ng Cabuyao police.

Dinala ang biktima sa Global Medical Center subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng tama ng bala sa tiyan.

Sumuko naman agad si Medel sa Calamba City police at kasalukuyang nakakulong, pagkukumpirma ni City Police Chief Lieutenant Colonel Jonathan Villamor.

Ayon sa inisyal na imbestigayon, magkasamang nag-iinuman sina Pelletero at Medel nang biglang magkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahilan para barilin ng huli ang una.

Humihingi naman ang pamilya ng biktima ng hustisya kaugnay sa pamamaslang. “Binaril niya agad. Kaunting pagkakamali papatayin niya agad,” ayon kay Princess, pinsan ni Pelletero.