May 3, 2024

17-ANYOS NA DALAGITA INABUSO NG GERMAN VLOGGER (Pick-up sa mga babae ginawang content para sa views)

DINAMPOT ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang German national at video blogger (vlogger) bunsod ng reklamong pang-aabuso  sa 17-anyos na babae.

Kinilala ang suspek na si Marcel Messall, 29, alyas ‘Mr Pogi German’ na inaresto sa loob ng kanyang bahay sa Eastwind Homes Subdivision, Barangay San Isidro sa Montalban, Rizal dakong alas-10:30 ng umaga noong Martes.

Isinagawa ang operasyon base sa reklamo ng biktima, nang mag-viral ang kanyang video na may 8 million views simula nang ma-upload sa social media.

Sa video, mapapanood na pinick-up ni Messal ang biktima sa Muntinlupa City at dinala sa isang budget hotel sa Alabang noong Enero 8 kung saan nangyari ang pangmomolestiya sa biktima.

Positibong kinilala ng complainant si Messal na nangmolestiya sa kanya.

Nakakulong na sa Muntinlupa City Police Station si Messal na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo at Video Voyeurism Act of 2009 dahil sa pagpapakalat ng larawan at video ng isang 17-anyos na biktima sa social media.

Ayon kay Muntinlupa City Mayor Rufus Rodriguez, hihilingin niya sa city council na maglabas ng ordinansa para ideklarang `persona non grata’ si Messal dahil pinalabas ng suspek sa video content nito na mistulang pugad ng prostitusyon ang Muntinlupa City.