Tuluyan nang nasakote ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na lalaking itinuturing isa sa suspek sa likod ng isang madugong tangkang robbery-homicide, matapos itong mahulihan ng baril sa Brgy. San Jose nitong Biyernes ng gabi, Pebrero 13, 2026.
Nagaganap ang isang surveillance at follow-up investigation ng Rodriguez MPS bandang alas-6:45 ng gabi sa Phase 1K, Kasiglahan Village, nang mamataan ng mga arresting officer ang suspek.
Ayon sa ulat, aksidenteng nakita ng mga pulis ang isang baril nang may dukutin ang suspek mula sa kanyang bulsa.
Agad na inaresto ang lalaki at nakuha mula sa kanya ang isang Caliber .45 Pistol (Colt) na may serial number 359554, kargado ng isang magasin at tatlong (3) live ammunition.
Sa ginawang beripikasyon ng Rizal Police Provincial Office (PPO), lalong nabaon ang suspek nang makumpirmang siya rin ang indibidwal na sangkot sa tangkang pagnanakaw at pagpatay na naganap noong madaling araw ng Pebrero 8, 2026, sa parehong barangay.
Matatandaang ang biktima sa nasabing krimen ay kinilalang si Jade Kirby Barona, 20, graduating student, crew member at residente ng Quezon City, na binawian ng buhay matapos ang insidente.
Mismong ang testigong si Charmie, na kasama ng biktima nang mangyari ang krimen, ang positibong kumilala sa suspek.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan (Miranda Rights), ang suspek ay dinala muna sa Ynares Hospital para sa medical examination bago itinurn-over sa Rodriguez Municipal Social Welfare and Development (MSWD) para sa kaukulang disposisyon.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng patung-patong na kaso, kabilang ang paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at ang kasong Homicide.
