NASAWI ang isang lalaki samantalang apat naman ang sugatan, kabilang ang isang menor de-edad matapos ang naganap na tagaan at saksakan sa Valenzuela City.
Naisugod pa sa Valenzuela City Medical Center si Ernie Soriano, residente ng Padre Pio, Cacarong Bata, Pandi, Bulacan subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.
Nakaratay naman sa East Avenue Medical Center ang magkakapatid na sina Vanessa Magdaong, 32, na may taga sa mukha at kanang braso, kapatid na sina Jayson, 30, nagtamo ng taga sa kaliwang braso, kanang kamay at pisngi, Jeremy, 23, may tama ng taga sa kaliwang braso, tuhod at likod at siyam na taong gulang na anak ni Vanessa na may taga sa kaliwang braso.
Sa naantalang ulat ng Valenzuela police, papasok na sa gate ng kanilang tirahan ang magkakapatid na Magdaong dakong alas-7:55 ng Linggo ng gabi nang biglang sumulpot si Soriano na dating kinakasama ni Vanessa at kinompronta ang ginang hinggil sa kanilang relasyon.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa hinugot ni Soriano mula sa bag ang dalawang itak at tinaga ang magkakapatid, kabilang ang anak ng dating kinakasama.
Nagkataong nagtungo rin lugar ang isa pang dating kinakasama ni Vanessa na si Reynaldo Jeremias, 37, residente ng Brgy. Maysilo, Malabon City at ama ng batang sugatan upang magdala ng sustento nang tangkain din siyang tagain ni Soriano kaya kinuha niya ang kahoy na bangkito at hinataw ang suspek na ikinalugmot nito.
Dito na naagaw ni Jayson ang itak kay Soriano habang kumuha naman ng patalim si Jeremy sa kusina ng kanilang bahay at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa leeg at braso ang dating kinakasama ng kapatid.
Natigil lamang ang kaguluhan nang dumating ang mga nagrespondeng mga tauhan ng Barangay Canumay West at mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 1. Ayon sa pulisya, nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang may 17-pulgadang itak habang nahaharap naman sa kasong homicide ang dating kalive-in ni Vanessa na si Jeremias at kapatid na si Jeremy Magdaong bunsod ng pagpatay sa kay Soriano.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW