May 3, 2024

1 PATAY, 1 MALUBHA SA MAGKAHIWALAY NA BARILAN SA BATANGAS

CAMP MIGUEL MALVAR, BATANGAS – Dead on arrival sa MVM hospital ang isang lalaki matapos na paulanan ng bala ng kanyang bayaw na suspek dahil umano sa matagal na alitan o problemang pampamilya bandang 9:10 ng gabi nitong lunes sa Brgy. Namunga sa bayan ng Rosario.

Kinilala ang biktima na si Rubinson Ecalla, 34-anyos at ang suspek naman ay si Mario Eluseda, 59.

Base sa inisyal na imbistigasyon nakatayo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang suspek at bigla lamang umanong pinaputokan ng dalawang beses sa ulo ang biktima ng dalang cal. 9mm ng suspek na mabilis na tumakas patungo sa ‘di pa tukoy na direksyon.

Naglatag na ng follow-up operation ang Rosario Municipal police station para madakip ang suspek na pumatay sa kanyang bayaw.

Kritikal naman ngayon sa Saint Cabrini hospital ang isang biktimang foreman ng isang construction site sa Brgy. Pantay Bata sa bayan ng Tanauan City nang pagbabarilin sa loob ng kanilang barracks ng isang hindi nakilalang suspek bandang 4:30 ng hapon noong araw pa rin ng Lunes.

Ang biktima ay si Oscar Cepeda Jr., nasa hustong gulang at residente sa Muntinlupa City.

Ayon kay Tanauan City police chief  PCol. Ariel B. Azurin, isang tawag sa telepono ang kanilang natanggap galing sa barangay official sa lugar ng pinangyarihan para humingi ng responde sa pulisya dahil umano sa nangyaring insidente ng  pamamaril sa kanilang lugar na agad naman pinuntahan ng mga otoridad para mag-imbestiga at doon nalaman ng mga pulis na dati ng nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima ayon sa salaysay ng asawa nito.

Inaalam na ngayon ng mga otoridad kung may kinalaman sa trabaho o personal ang naging dahilan ng pamamaril sa biktima habang blangko pa ang pagkakakilanlan ng suspek sa krimen. (Koi Hipolito)