April 26, 2024

Tirador ng helmet kalaboso

SA kulungan ang bagsak ng isang 26-anyos na lalaki nang masukol matapos saksakin ang inagawan niya ng helmet sa Caloocan City.

Kinilala ang suspek na si Manny Gaumos, 26, istambay, ng Ilang Ilang, Concepcion, Barangay 188, Tala, ng lungsod.

Alas-3:30 ng hapon, ipinarada ni Julius Belano, 26, ng Bukid Area, Brgy. 187 ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Ilang Ilang, Concepcion, Brgy. 188, at isinabit dito ang gamit na Lev3 helmet na nagkakahalaga ng Php 5,300 na hiniram kay Rommel Cumalde, 24, officer-in-charge ng Special Action Force ng Caloocan City Hall South.

Bigla na lamang sinunggaban ng suspek ang helmet saka kumaripas ng takbo ngunit naispatan siya ni Belano at tinugis kasama ang mga tanod na sina George Vargas at Alvin Cortina hanggang sa masukol.

Nang dadakmain na ang suspek ay inundayan niya ng saksak si Belano na nagawa namang makaiwas.

Kinalaunan ay nagapi rin ang suspek ng biktima at mga tanod at nakumpiska ang kanyang patalim saka binitbit sa presinto ngunit hindi na nabawi ang kanyang kinulimbat.

(JUVY LUCERO)