April 26, 2024

‘Di binigyan ng mana | AMA HINOSTAGE, PINAGSASAKSAK NG ANAK

AWAY sa mana o pera ang tinitignang anggulo ng pulisya para gawing bihag at saksakin umano ng isang anak ang kanyang sariling ama sa Quezon City kaninang umaga.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2 ang biktima na si Roberto Aldiz habang ang salarin naman ay si Arnelito Aldiz.

Dakong alas-8:00 ng umaga nang makatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay ng nagaganap na hostage taking sa isang bahay sa Barangay Del Monte.

Pagdating sa crime scene ay bumungad sa mga awtoridad ang duguang katawan ng nakatatandang Aldiz na tadtad ng mga saksak.

Napilitan din ang mga rumespodeng pulis na magpaputok ng baril nang manlaban sa kanila ang suspek sa gitna ng operasyon.

Agad na dinala si Arnelito sa pagamutan dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na dati palang barangay tanod ang akusado.