April 26, 2024

AMA NAGBIGTI MATAPOS PATAYIN ANG KINAKASAMA, 2 ANAK

BIÑAN, LAGUNA – Naliligo sa sariling dugo ang mag-iina nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa nasabing bayan na pinaniniwalaang pinatay ng kanilang padre de pamilya nitong Martes.

Kinilala ng Biñan City Police Station ang suspek na si Johnny Martinez, 46, at ang mga biktimang sina Jolly Espinas (live-in-partner) at kanyang dalawang menor de edad na anak na sina Winston, 7, at bunso na si Brixton, isang taong gulang, pawang mga residente ng Brgy. Canlalay.

Bandang ala-1 ng hapon nang madiskubre ng isang residente ang labi ng apat.

Sinasabing kapwa naliligo sa sarili nilang dugo ang biktimang si Espinas at may malalaking sugat sa kanilang mukha at ulo ang dalawa nitong anak na hinihinalang pinalo ang mga ito ng martilyo hanqgang sa mapatay.

Bukod aniya dito, may takip na facemask na tela sa kanilang bibig ang dalawang bata samantalang inabutan pang nakabitin sa pasilyo ng kanilang bahay ang mister na si Martinez matapos magbigti gamit ang isang nylon chord matapos isagawa nito ang brutal na pamamaslang.

Samantala, lumilitaw na bandang alas-11 nitong Lunes ng gabi ng makarinig ng mga pag-iyak ang mga residente mula sa bahay ng mga biktima.

Sinasabing palagian umanong nag-aaway ang mag-asawa dahil sa pera kung saan hindi inaasahang humantong sa ganitong pangyayari.

Hindi rin umano inaalis ng pulisya na posibleng wala sa tamang katinuan si Martinez kaya nagawa nito ang brutal na pamamaslang sa kanyang pamilya.

Narekober sa lugar ang martilyong ginamit ni Martinez habang patuloy na sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang naturang kaso. (KOI HIPOLITO)