April 26, 2024

17-anyos na estudyante, pinalo ng bote sa ulo sa Malabon

Sumirit ang dugo sa ulo ng isang 17-anyos na estudyante matapos hatawin ng bote ng isa sa apat na lalaking puwersahang tumangay sa sinasakyan niyang bisikleta Sabado ng madaling araw sa Malabon City.

Sa ulat, sakay ng kanyang bisikleta ang biktimang si Johny Boby Trinidad, ng Magsaysay St. Brgy. San Agustin, ka-angkas ang kaibigang si Kurt Axi Mabini, nang harangin sila ng apat na lalaki dakong ala-1:30 ng madaling araw sa kahabaan ng P. Borromeo St. Brgy. Longos.

Sa pahayag ni Mabini kay P/Lt. Col. Rhoderick Juan, deputy chief of police ng Malabon City, nagsalita pa ang isa sa suspek na “talagang matitigas talaga kayo ah” bago hinataw ng bote sa ulo ang biktima na ikinalugmok nito.

Matapos nito, tumakas ang mga suspek tangay ang Japanese bike ng biktima, habang tinulungan naman ng kanyang kaibigan ang binatilyo na maisugod sa pagamutan.

Nagkataon namang dumadaan sa lugar sakay ng mobile patrol ng pulisya ang mga tauhan ng Follow-Up Unit, kaya’t kaagad nilang tinulungang maisugod sa Ospital ng Malabon si Trinidad subalit, inabisuhan silang ilipat ang biktima sa Tondo Medical Center upang masuring mabuti ang tinamong sugat sa ulo.

Iniutos na ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang pagtugis sa mga suspek na ayon sa mga residente ng P. Borromeo St. ay posibleng mga drug addict ng Barangay Longos. (JUVY LUCERO)