December 25, 2024

ZUBIRI SA BIZ SECTOR: PANAHON NA PARA MAG-INVEST SA MGA MANGGAGAWA

Pasado na sa Senado ang panukalang P150 across the board wage increase sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri na may akda ng Senate Bill No. 2022 o ang Across-the-board Wage Increase Act, ang nasabing panukala ay approved in principle at nakatakdang pag-usapan ng Technical Working Group (TWG) ang panukalang graduated wage increase scheme para sa MSMEs.

“We expect that the Committee Report will come out in about two weeks, and we hope to pass the bill before we adjourn in June,” ayon kay Zubiri.

Napapanahon na an­yang itaas ang minimum wage at gawan ito ng batas dahil mula ng maitatag ang Regional Wage Boards noong 1989 ay 500% lang ang itinaas ng minimum wage sa 17 rehiyon at marami ring employers ang hindi nagbibigay ng tamang sweldo sa takdang panahon gayundin ng 13th month pay.

“Ang nakita po natin, with due respect sa ating Regional Wage Boards, napakababa po ng mga increase nila at napakatagal bago nila aksyunan ang problema ng pagtaas ng bilihin, at ang sigaw ng tao para sa disente man lang na sahod. Kapag umaaksyon naman sila, napakababa ng increase, between Php5.00 to Php16.00 lang,” wika ni Zubiri.

“I would like to remind everybody that we already reached a 7.6 percent GDP growth rate, one of our highest since 1976,” saad ni Zubiri.

“Pero ang inflation rate natin at the start of the year was 8.7 percent. Bumaba lang po ng 6.6 percent, pero hindi po bumaba diyan ang presyo ng pagkain, kuryente, at tubig. Ang bumaba diyan ay presyo ng iba’t ibang industrial products gaya ng cabilla at semento. Hindi naman yan makakain ng mamamayang Pilipino.”

Ikinatwiran din ni Zubiri na marami nang negosyo ang nakabawi na sa pandemya, napananahon na para ibahagi  sa mga manggagawa ang kanilang kita.

“Those were pro-business measures. Ngayon ang akala po namin, dahil may mas malaki po kayong income, sana ay maibahagi niyo po ito sa ating mga kababayan. It’s about time that we share. Tinulungan po namin ang business sector with pro-business legislation. Ngayon itaas naman po natin ang sweldo.”