HINDI tatalima ang gobyerno kung sakaling maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa ilang indibidwal kaugnay sa war on drugs. “Hindi. Wala silang gagawin dito eh. Wala silang kinalaman sa atin dito. At ano gagawin nila, papasukin nila tayo? Gusto ba nilang pasukin tayo bilang isang kolonya na naman? Eh tapos na yun, eh,” turan ni Justice Secretary Crispin Remulla sa mga reporter.
“Ginawa na tayong kolonya dati ng Espanya, ginawa na tayong kolonya ng America, ginawa na tayong kolonya ng Japan nung araw. Tama na. Eh malaya tayong bansa na may sariling sistema ng batas,” dagdag pa ng kalihim.
Nakatakdang ilabas ng ICC Appeals Chamber ang desisyon nito kaugnay sa apela ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC prosecutors sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa tatlong pahinang utos sa pag-iiskedyul na nilagdaan ni Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut, sinabi ng appeals chamber, “Judgment in the above appeal will be delivered in open court on Tuesday, 18 July 2023 at 10h00.”
Una ng sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra, na maaring kasuhan ng ICC prosecutor ang ilang indibidwal kung mayroong sapat na ebidensiya.
Gayunpaman, sinabi ni Remulla na magiging “political” lamang ang pagsasakdal at dapat na ibigay ng ICC ang ebidensya sa gobyerno ng Pilipinas kung nais nilang managot ang ilang indibidwal.
“Ang sinasabi ko naman, basta merong ebidensya na nakaturo sa mga taong nais nilang usigin natin ay ibigay sa atin ang ebidensya at tayo na ang bahala na habulin ang mga tao gumawa ng mga krimen sa ating bansa,” ayon kay Remulla.
Base sa tala ng gobyerno, 6,200 suspek ang napatay sa police operation sa drug war. Pero pinabulaanan ito ng Human Rights group, dahil ang totoong bilang daw ng nasawi ay nasa 12,000 hanggang 30,000.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE