May 20, 2024

WANTED NA RAPIST DINAKMA SA VALENZUELA

NADAKIP ng pulisya ang isang puganteng manyakis na nahaharap sa kasong panggagahasa sa lalawigan ng Zamboanga del Norte nang matunton ang kanyang pinagtataguang lugar sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Nagulat pa si alyas “Kanor” nang sa pagbukas niya sa pintuan ng kanyang tinutuluyang bahay sa 051 Esteban North St., Brgy Dalandanan, matapos marinig ang sunod-sunod na katok, ay bumungad sa kanyang harapan ang nagpakilalang mga tauhan ng Station Intelligence Section ng Valenzuela Police.

Bitbit ng mga tauhan ni Valenzuela Acting Police Chief P/Maj. Amor Cerillo ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Soledad A. Acaylar ng Regional Trial Court (RTC) Branch 7, ng Dipolog City na may petsang Setyembre 30, 2003, para sa kasong Rape.

Napagalaman na bago pa man lumabas ang arrest warrant laban kay Kanor kaugnay sa kasong panggagahasa sa kanilang lugar sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, noong taong 2003, lumuwas na siya ng Metro Manila at nagpalipat-lipat ng tirahan para malusutan ang batas.

Sa pag-aakala ng akusado na nakalusot na siya sa mahabang kamay ng batas, pumirmi na siya ng lugar sa Valenzuela City na dahilan para siya malambat ng pulisya.

Pansamantalang nakapiit sa detention facility ng Valenzuela Police Headquarters ang akusado habang hinihintay pa ang commitment order na ilalabas ng hukuman para siya maibiyahe patungong Dipolog City.