November 18, 2024

‘WALANG GUTOM’ SA ILALIM NG ‘BAGONG PILIPINAS’ – PBBM

“Walang gutom.”

Ito ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayang Filipino matapos niyang tiyakin sa mga ito na may sapat na supply ng bigas matapos niyang ipag-utos ang pagbawi sa rice price cap na siyang dahilan para mapigilan ang paglobo ng presyo ng bigas sa merkado.

Sa BBM VLOG 250: “Libreng Bigas (Free Rice),” ipinaliwanag ng Chief Executive na patuloy ang rice distribution drive ng administrasyon sa mga apektado ng tumataas na presyo ng bigas.

“Sapat ang suplay ng bigas, at tuloy-tuloy ang suporta sa ating magsasaka’t mamimili, maging ang pagtugis sa mga smuggler at hoarder”  mababasa sa caption ng kanyang video.

“Sa Bagong Pilipinas, ito ang magsisilbing sukatan ng ating panunungkulan — walang gutom o pangamba pagdating sa pagkain,” dagdag ng Pangulo.

Noong nakaraang linggo ay nagtungo si Marcos Cavite, Camarines Sur, Siargao Island, Dinagat Island, Antique, Capiz, Aklan, Zamboanga at Metro Manila para ipamahagi ang mga smuggled rice na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga province.

“Bakit natin ito ginagawa? Dahil dapat talagang direktang nakikinabang ang taumbayan sa kawalang-hiyaan nitong mga smuggler at hoarder na ‘to,” giit niya.

Ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na nakatuon din ang kanyang administrasyon sa pagpapalakas sa iba’t ibang aspeto ng pagsasaka at agrikultura—irigasyon, mekanisasyon, mas murang pataba, post-harvest facilities, farm-to-market roads, at transport cost—upang mapababa ang halaga ng produksyon.

“Mga kababayan, ginagawa natin ang lahat upang masiguro ang tuloy-tuloy na pag-istabalisa at pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado,” saad ni Marcos.

“Walang ibang sukat sa ating panunungkulan ang tumutumbas na makita kayo na kompartable at maginhawa ang buhay. Iyan ang aking sukatan, walang gutom o pangamba pagdating sa pagkain,” dagdag pa niya.