December 27, 2024

VP SARA KAY PBBM SA PEACE TALKS: ‘KASUNDUAN SA DEMONYO’

HINIMOK ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isaalang-alang ang kanyang desisyon na muling buhayin ang peace negotiations sa National Democratic Front of the Philippines, kung saan tinawag niya ito na isang kasunduan sa demonyo.

“Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil. Napatunayan na natin sa kasaysayan na hindi sila seryoso at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan,” lahad ni Sara sa isang video message na ipinoste sa kanyang Facebook page, kung saan ipinahayag nito ang pagtutol sa polisya ng Pangulo.

“We appeal to your power to review these proclamations and agreements,” dagdag pa nito sa kanyang mensahe sa 5th founding anniversary ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kung saan siya ay co-vice chairperson.

Ang tinutukoy niya ang kamakailan lang na amnesty proclamations ni Marcos na may kaugnayan sa mga komunistang rebelde – Proclamation 403 at Proclamation 404.

Ayon kay Duterte masyadong personal sa kanya ang isyung ito sapagka’t masyado rin itong personal sa mga pamilya ng hindi mabilang na Filipino na ang buhay ay tuluyang nasira dahil sa kagagawan ng mga terorista.

“Nananawagan ang kanilang mga pamilya ng hustiya. Subalit, hindi ito makakamit kung bibigyan natin ang mga teroristang grupo ng amnestiya, sa pamamagitan ng Proclamations 403 at 404,” dagdag pa ng Vice President.

Kabilang sa mga binibigyan ng amnestiya ng Proclamation 403 ni Marcos Jr. ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB) na gumawa ng krimeng pinarurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at special penal laws, lalo na ‘yung mga krimeng nagagawa sa pagsusulong ng paniniwalang pulitikal.

Inilabas din ni Marcos ang Proclamation 404 na magbibigay ng amnestiya para sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na gumawa ng krimeng pinarurusahan sa ilalim ng RPC at Special Penal laws kaugnay ng pagsusulong ng paniniwalang pulitikal.

“Apo BBM, sana po ay isaalang-alang natin ang ating mga komunidad na naging pugad ng mga terorista sa mahabang panahon na ngayon ay lumalaban na at tumutulong sa pamahalaan,” hiling ni VP Sara kay Pangulong Marcos.

“Mr. President, we can negotiate for peace and reconciliation and pursue meaningful development efforts in the Philippines without capitulating to the enemies. Hiling namin na kami ay mapakinggan ,” dagdag niya.