June 25, 2025

VP Sara Duterte iginiit ang pagbabasura ng ika-apat na impeachment complaint: “Labag sa Saligang Batas”

NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte na ibasura ang ika-apat na impeachment complaint laban sa kanya, iginiit ng kampo nito na labag ito sa itinatakda ng 1987 Constitution hinggil sa “one-year bar rule” para sa mga impeachment proceedings.

Sa pamamagitan ng kanyang legal counsel, inihain ni Duterte ang Answer Ad Cautelam sa Senado na nagsisilbing impeachment court. Nakasaad dito na ang reklamo ay “void ab initio” o walang bisa mula pa sa simula, dahil sa paglabag sa Section 3 (5), Article XI ng Konstitusyon na nagbabawal sa higit sa isang impeachment case laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.

Ayon sa dokumento, “Vice President Sara Z. Duterte, by counsel… respectfully states the Fourth Impeachment Complaint must be dismissed because it is void ab initio for violating the One-Year Bar Rule…”

Natanggap ng House of Representatives ang kopya ng Answer Ad Cautelam bandang 3:53 ng hapon, habang naihatid ito sa Senado ng alas-5:49 ng hapon ng messenger na si Arnel Barrientos Jr. mula sa law firm na Fortun, Narvasa & Salazar.

Paliwanag ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol, ang ad cautelam ay karaniwang ginagamit kung may balak ang kampo na kuwestyunin ang hurisdiksyon ng korte — na aniya’y tumutugma sa hiwalay na petisyon ni Duterte sa Korte Suprema upang pigilan ang pag-usad ng impeachment trial.

Dagdag pa ni Senate Secretary Renato Bantug, ang ad cautelam ay indikasyon na nag-file ang kampo ni Duterte ng sagot bilang pagsunod sa utos ng korte, ngunit may reserbasyon o pag-iingat sa kanilang mga argumento.

Samantala, may nakabinbing petisyon si VP Duterte sa Korte Suprema na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings sa Kamara at Senado. Nilalayon ng petisyon na ipawalang-bisa ang proseso bunsod ng umano’y paglabag sa Konstitusyon.